November ng taong 2010 nang makabili ako ng sarili kong sasakyan. Segunda-mano lamang ito, ayon ang kulay sa gusto ko, walang sira ang loob, malamig ang aircon, maganda ang stereo ngunit "pawis-steering". Pero ayus lang, sabi kase ng tatay ko gumagaan naman ang pagdadala nito kapag umaandar na. Dalawang araw pagtapos namin magbigay ng paunang bayad ay pinuntahan namin ang bahay ng may-ari ng sasakyan upang pormal na itong bilhin. Pirmahan ng dokumento, bayaran, at tapos akin na ang sasakyan - isang Mitsubishi Lancer 95 model.
Sa aming pag-alis, tatay ko ang unang gumamit pauwi sa amin dahil gusto nyang ma-test drive ito para malaman kung ano ang maaring sira nito dahil ito nga ay isang segunda-mano. At ako naman ang may dala ng kanyang kotse. Habang kame ay nasa daan, nakipagpalit ang tatay ko ng sasakyan ako na daw ang magdala nung binili kong kotse upang masanay ako. Excited...masaya...at kabado pero dinala ko. May konting paninibago dahil ibang-iba ito sa kotse na honda ng tatay ko, pero agad ko naman natimpla ang clutch-gas nito. Ngunit habang papalabas kame sa isang masikip na lugar, kame ay naipit sa trapik...sa isang lugar na madaming tricycle at sa pwestong naka-inclined.
Kinakabahan,...ninenerbyos...naiinis...
Bakit ba naman kase sa ganoong lugar pa nya ako pinadala nung bago kong sasakyan, at sa ganung pagkakataon pa. Hindi ko pa tanchado ang takbo, ang apak, masikip, at higit sa lahat iyon ang unang pagkakataon na makapagmaneho ako ng mag-isa at walang kasamang umaalalay. Buti na lamang mga ilang minuto ang nakalipas ay naisip ng tatay kong pumunta sa akin at magpalit kame ng sasakyan. Hay...buti naman!
Nang makalampas sa trapik ay nagpalit kaming muli. Mejo maayos na aking takbo, hinde namamatayan ng makina. Isa lamang ang aking problema, ang buong pwersa ng pag-ikot sa manibela sa twing liliko ako. Hinde ko maintindihan kung papanu ko gagawing maging magaan ang bawat pag-ikot. Pero pinilit kong iikot ito upang maiwasan ang maka-aksidente. Hinde naman pwedeng puro diretso lang ang takbo, kaya dapat pilitin kong kayanin ang bigat ng manibela nito.
Pagdating ko sa bahay, halos hinde ko maintindihan ang aking nararamdaman, sa likod ng mabigat ng manibela kulang na lang lumabas ang almuranas ko sa sobrang pwersa na gamit ko hinde ko pa rin maiwasan na maging masaya...dahil sa wakas natupad ko na ang isa sa pangarap ko, ang magkaroon ng sariling sasakyan.
No comments:
Post a Comment